31 January 2011

meron akong bagong blog

pero hindi ako bagong blogger. mahilig akong magbasa, pero hindi ako academic reader. mahilig ako sa comedy, pero ng punchline, hindi ako magaling magdeliver.


at lalong hindi ako makata.


natutuwa lang ako sa maraming bagay - sa mga kanta ng radioactive sago project, sa kababawan ng novelty songs, sa kulit ng anansi boys ni neil gaiman, sa ere ni jessica zafra at sa general truth na magpapaapak ng kahihiyan ang mga tao para sa libreng libro (gusto ko ring gawin yun pero madalas tinatamad ako), sa nakangiting mukha ng tangi kong pag-ibig, sa payday, sa mga kuyut na bata,   sa pagluluto ng sinangag, sa we no speak americano ng yolanda be cool, sa chocolate drink na nakabote, sa silver na band sa palasingsingan ko, sa gulo ng mga kaibigan ko pag nagkatagpo-tagpo ang mga oras namin at pwede kaming maglasing na parang walang bukas, sa now-defunct dear diarya (please lang, mr.d , bumalik ka na. wala akong tumblr at hindi ako gagawa nun para sayo), sa takoyaki (bakit kaya walang ganito malapit sa bahay namin), sa tumblebug, bejeweled at magic sushi, sa papel na kulay brown, itim, at off-white, sa kapitbahay naming may tindahan na si nanay nati na gustong-gusto kong binibigyan ng pagkain, at sa marami pang bagay na hindi ko na mabanggit ngayon dahil 11:25 na at gigising pako ng alas-tres para makuha ang final pay ko mula sa luma kong raket -  pero hindi ibig sabihin nun isa akong positive na tao.


ipinanganak yata ako sa sama ng loob (kung ikaw kaya ang ipanganak ng lunes, di rin kaya sasama loob mo?). wanhandred yirs old nako, pero nung nakaraang taon ko lang naumpisahang maranasan ang tunay na buhay.


masarap pala.




at aaminin ko, kahit palagi pa rin akong galit, masaya na ako ngayon. masayang- masaya.