pasintabi sa mga kumakain, pero nasabi ko na.
piftitu minits pa at pede nakong mag-log out sa opisinang to. akala nila high tech sila dahil yung attendance nila dito nakukuha sa pag-iiskan ng pinggerprint. di ako bilib, dahil ang high tech para saken e retina scan. yung parang sa pelikula - kelangan mong patayin yung tao at dukutin yung eyeball nya para magkaron ka ng access sa top secret na kwartong kung saan nakalagak ang napakaliit na microchip na naglalaman ng pinaka-advance na chemical warfare trigger na magiging susi para sa world domination. ang haba ng sinabi ko, pero mas gusto ko pa rin ang kronos timekeeping system, pero di dahil inaabuso namin yun ng mga katarbaho ko dati, haha. sowshaaaaal lang.
ewan pero namimiss ko ang buhay call center. namimiss ko ang "inernet," ang "how may assist you today?" ang "thank you for that information, one moment please, check ko lamang po," at ang iba't ibang katatawanang nakukuha sa pakikinig ng calls at paglalakad sa floor. namimiss ko ang escalations na palaging binabato sa team namen na nagiging dahilan ng pagkaudlot ng 7-11 sessions namen pag alas diyes ng gabi.
siguro masasabi ko ring namimiss ko ang pinas, at kung may choice ako, hindi ko pa rin pipiliing iwan siya. maganda naman dito sa singapore. unti-unti na rin akong nasasanay. di nako nabubuwiset mashado sa amoy ng mga tao, nakakatulog nako ng mahimbing sa tren (minsan nga nakahilig pa ang ulo ko sa katabi ko), nagiging regular na ang pagkain ko sa hawker (ewan kung saan galing ang katimangan ng mga tao dito't tinawag nilang hawker ang karinderya), at naiintindihan ko na ng mas malinaw ang pagsasalita ng mga katarbaho ko.
pero ang pinakanamimiss ko: ang nanay ko. gusto kong umuwi sa pinas dala ang isang buong maletang puno ng pasalubong para lang sa kanya. gusto ko siyang uwian ng iba't-ibang pabango, t-shirts na may ibat-ibang design (at lahat ng design ay dapat nakatatak "singapore" o ang merlion), limang pares ng crocs at havaianas na tsinelas, pake-pakete ng pistachio nuts, bin-bin rice crackers (jaspordahekopit), at cake ball (jaspordahekopit lang din), kung anu-anupang kakatuwang pede kong makita dito at iuwi sa kanya, at maramimg-maraming tsokolate. hindi masiba ang nanay ko, at alam ko 3/4 ng ipapasalubong ko sa kanya ipamimigay nya sa mga kapit-bahay nya sa mala-tondong tinitirhan nya, pero gusto ko pa ring dalhin sa kanya lahat ng ito and more. gusto ko siyang iahon kung asaan man siya, at bigyan sha ng kahit kaunting pahinga mula sa rayuma nya, sa lagnat,ubo at sipon na palagi nyang idinadaing lately, at mula sa kulit ng kapit-bahay nyang nangangatok pag maysakit siya at hindi nagtinda ng almusal. gusto kong ibigay sa nanay ko ang hindi ko naibigay sa kanya mula nang mag-umpisa akong magtrabaho. mga bagay na diko nabigay dahil abala ako sa pag-iwas sa mala-kraken na ugali ng madrasta ko kaya imbes na sa nanay ko ako magbigay ng pera tuwing sahod, sa kanya napupunta. jologs man, matutuwa akong marinig ang nanay kong pinagyayabang ako sa neighborhood, "eto t-shirt uwi ng anak ko, galing abroad, sa singapore." "o, tsokolate, galing singapore yan, uwi ng anak kong nag-abroad."
naiiyak nako, at mahaba na ang post na ito. kaya manghihiram ako ng thought sa parokya ni edgar: di ko na alam pano tapusin ang blog post, kaya ganito na lang, bigla na lang magkakatuldok.
No comments:
Post a Comment